Isang limang taong gulang na bata ang pumunta sa labas ng kulungan sa Santiago, Agusan del Norte para ipakita ang kanyang graduation gown at cap sa kanyang ina na nakakulong. Ang batang babae ay kasalukuyang inaalagaan ng kanyang tita, at ang eksenang ito ay katuparan sa kahilingan ng kanyang ina na makita ang anak sa mahalagang araw ng pagtatapos.
Makikita sa video na tumayo ang bata sa isang pwesto kung saan siya ay makikita ng kanyang ina mula sa second floor ng kulungan. Inilabas ng ina ang kanyang kamay sa siwang ng rehas, parang gustong abutin ang anak. Bagama’t hindi sila makalapit, ramdam na ramdam ang pagmamahal at pangungulila ng isa’t isa.
Ayon sa tita, nakakulong ang ina ng bata sa loob ng 10 buwan dahil sa pagkakadawit sa isang drug-related case noong nakaraang taon. Hindi raw ito ang target ng raid pero siya ang nadatnan sa bahay, kaya siya nadamay.
Hindi sila nakapasok sa kulungan para bumisita dahil kulang sila sa budget para sa pagkain na karaniwang dinadala kapag may bisita. “Pwede naman daw silang pumasok, pero dahil wala silang pera—minsan sa bintana na lang daw sila nakikipag-usap nang sandali,” sabi ng tita sa isang Facebook post.
Dahil sa viral na video na inupload ng tita noong April 8, 2025, na ngayon ay may 6.7 million views, maraming netizens ang na-touch sa kwento. Ilan sa kanila ang nagpaabot ng tulong gaya ng pagkain at pangangailangan ng bata. Ang kwento ng ina at anak ay nagpapaalala sa atin ng kahalagahan ng pagmamahal ng magulang, kahit pa may pagsubok sa buhay.