
Ayon sa PAOCC (Presidential Anti-Organized Crime Commission), sila mismo ang nag-asikaso sa deportation process sa NAIA Terminal 1. Kasama ito sa malawakang hakbang ng gobyerno para sugpuin ang illegal na operasyon ng POGO sa bansa.
Sabi ni PAOCC Executive Director Gilbert Cruz, ang mga workers ay sinailalim muna sa 45-day quarantine bago ang final assessment ng Chinese authorities. Sila ang magdedesisyon kung may krimen na isasampa sa mga ito pagbalik nila sa China. Dagdag pa ni Cruz, hindi sila itinuturing na biktima sa China, kundi posibleng may pananagutan.
Bahagi raw ito ng POGO 1,000 program kung saan plano ng gobyerno na ipalayas ang 1,000 POGO workers. Sa ngayon, nasa 200 na ang nai-deport, at may natitirang 800 pa na susunod.
Samantala, naglabas ng saloobin ang isang Pinay na si Mae, asawa ng isa sa mga deported. Ayon sa kanya, malungkot at balisa siya dahil hindi niya alam kung kailan sila magkikita muli. Kwento niya, ang asawa niya ay dating chef sa Chinese restaurant at inalok lang ng kaibigan sa POGO. Sana raw ay makalaya agad ang asawa niya sa China at magsama silang muli.
President Marcos Jr. ay dati nang naglabas ng total ban sa POGOs na may kaugnayan sa human trafficking, money laundering, online scam, kidnapping, at murder.