Isang helicopter na may sakay na anim na tao, kabilang ang isang pamilyang turista mula Spain at ang piloto, ang bumagsak sa Hudson River sa New York nitong Huwebes, Abril 10, 2025. Lahat ng sakay ay nasawi, kabilang ang tatlong bata.
Ayon kay Mayor Eric Adams, agad na inilunsad ang water rescue operation, ngunit lahat ng biktima ay idineklarang patay. Dalawa sa kanila ay naitakbo pa sa ospital pero hindi na rin naisalba. Tinawag ni Adams ang insidente bilang "heartbreaking and tragic crash."
Sinasabing may problema sa rotor blades ng helicopter, base sa mga testigo at video sa social media. Nakita ring nakaangat ang landing skids ng chopper sa ibabaw ng tubig habang nakapalibot ang mga rescue boats.
Ang bumagsak na aircraft ay Bell 206 na umalis mula sa downtown Skyport bandang 3 PM. Lumipad ito sa paligid ng Manhattan pero nawalan ng kontrol pagbalik, at bumagsak malapit sa Hoboken pier.
Ayon sa New York Police at Fire Department, apat ang agad na nakuha mula sa tubig habang dalawa pa ang isinugod sa ospital. Lahat ng biktima ay tuluyang binawian ng buhay. Sa ulat, may humigit-kumulang ₱340,000 halaga ng rescue operations ang ginastos sa insidente.