Isang 28-anyos na buntis ang brutal na pinatay ng sarili niyang live-in partner sa Barangay 61, Zone 5, Tondo, Maynila noong madaling araw ng Martes. Ayon sa pulisya, 5 buwang buntis ang babae nang matagpuan ang kanyang katawan sa isang basurahan bandang 2:30 a.m.
Makikita sa CCTV footage ang isang tricycle na huminto sa Juan Luna Street. Aakalaing nagtatapon lang ng basura ang driver, pero makikita sa video na bitbit niya pala ang katawan ng biktima. Iniwan niya ito habang wala nang buhay at may 4–5 saksak sa katawan.
Ayon kay Police Captain Dennis Turla, wala nang buhay ang babae nang ibaba ito ng suspek. Sinubukan pa siyang dalhin sa ospital, pero dead on arrival na rin siya at ang sanggol sa kanyang sinapupunan. Isa sa mga tinitingnang motibo ay selos, dahil pinaghihinalaan ng suspek na may ibang lalaki ang babae.
Inamin ng 45-anyos na suspek ang krimen at sinabing hindi siya nagsisisi. Humingi lang siya ng tawad sa anak niya, pero walang pasensya sa biktima at sa mga lalaking umano’y ka-relasyon nito.
Naaresto ang suspek sa Baliwag, Bulacan sa isinagawang operasyon ng pulisya. Lumalabas na dati na rin siyang nakulong dahil sa pangho-hostage sa Recto dalawang buwan na ang nakalipas. Kakasuhan siya ng murder at ngayon ay nasa kustodiya na ng Manila Police District.