
Dalawampu (20) na Filipino seafarers ang kasalukuyang iniimbestigahan sa South Korea matapos matuklasan ang dalawang tonelada ng cocaine sa kanilang barko. Ang kargamento ay natagpuan sa isang Norwegian-flagged vessel na dumaan mula Mexico, Ecuador, Panama, at China bago dumating sa South Korea.
Ayon sa Korea Coast Guard, ang mga drugs ay nakatago sa isang lihim na bahagi ng barko at naka-pack sa 56 na sako na may 30 hanggang 40 kilo bawat isa. Inamin ng mga otoridad na ito ang pinakamalaking drug bust sa kasaysayan ng bansa, at tinatayang may halaga itong isang trilyong won (mga P39.3 bilyon).
