
Arestado ang tatlong senior high school students sa Baseco, Maynila matapos ireklamo ng umano'y panggagahasa sa isang 16-anyos nilang kaeskuwela. Ayon sa pulisya, nag-inuman ang biktima at mga suspek noong gabi ng Abril 5 sa bahay ng isa sa mga lalaki.
Kwento ng biktima, nakitulog siya sa inuman at nagising na lang na may humahalik sa kanya. Isa sa mga suspek daw ang humawak sa kanyang mga kamay at tinakpan ang kanyang bibig habang may gumagawa ng hindi tama sa kanya. Lasing ang lahat kaya't nakapuslit ang biktima at tumakbo sa bahay ng kaibigan.
Bago ang insidente, nakapag-text pa raw ang biktima sa nanay niya para sabihing nasa bahay siya ng kaibigan. Matapos ang pangyayari, dinala siya sa ospital at doon nakumpirma ng doktor na siya ay naabuso.
Ayaw magsalita ng mga suspek pero ayon sa Baseco Police, tuloy ang kaso at nasa kustodiya na sila ng mga pulis. Kasalukuyan ding tinutulungan ng DSWD ang biktima para sa kanyang emotional recovery.
Dagdag ng mga pulis, patuloy silang nagsasagawa ng public awareness seminars sa mga paaralan para iwasan ang ganitong insidente. Paalala rin nila sa mga kabataan: makinig sa payo ng magulang para makaiwas sa kapahamakan.