Arestado ang 42 foreign nationals sa isang operasyon ng Bureau of Immigration (BI) sa isang beach resort sa Barangay Villa Norte, Alabat, Quezon noong Miyerkules ng umaga.
Kasama sa operasyon ang mga tauhan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission at Calabarzon Police, na isinagawa batay sa Executive Order 287, Series of 2000, na naglalayong magsagawa ng verification at imbestigasyon sa mga pinaghihinalaang illegal aliens.
Dinala ang mga inarestong dayuhan sa Camp BGen Vicente Lim sa Calamba City para sa documentation at biometrics processing.
Sa ngayon, hawak na sila ng Bureau of Immigration habang patuloy ang imbestigasyon kaugnay ng kanilang pananatili sa bansa.