Nahuli sa video ang tangka umanong pagnanakaw ng electrical wire ng dalawang lalaki sa isang bahay sa Antipolo, Rizal. Ayon sa isang concerned citizen na si Vincent Villaseñor, nakita niya ang isa sa mga lalaki na umaakyat sa bakod na parang si Spiderman habang siya ay nagkakape. Akala niya'y manggagawa, pero napansin niyang wala itong suot na uniform, kaya nagduda siya.
Kasama ng umaakyat ang isa pang lalaki na naghihintay sa baba na tila lookout. Nang sitahin sila ni Villaseñor, dali-dali silang tumakas, at nakunan pa ito ng CCTV. Agad na nai-report sa barangay ang insidente at lumabas na hindi ito ang unang beses na nasangkot sa pagnanakaw ng wire ang mga suspek.
Kinabukasan ng madaling-araw, nahuli ng Barangay Task Force ang isang 14-anyos na lalaki, na siyang lookout. Ayon kay Carlo Nebasa ng Barangay Mayamot, agad silang umikot sa lugar matapos makatanggap ng tip mula sa residente.
Ayon sa barangay, miyembro umano ang dalawa ng kilala nang "Spiderman gang" – isang grupo ng mga kawatan na umaakyat sa poste o bakod para magnakaw ng kable, na kanila raw binabalatan at ibinebenta.
Ang nahuling menor de edad ay dinala na sa pulisya at isasailalim sa medical check-up at documentation bago i-turnover sa DSWD. Patuloy namang hinahanap ang kanyang 21-anyos na kasabwat.