Isang suspek ang napatay at apat na operatiba ng PDEA ang nasugatan matapos ang isang buy-bust operation sa Brgy. San Antonio, Parañaque nitong Miyerkules ng hapon.
Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), naganap ang operasyon sa loob ng isang subdivision bandang 5PM, pero nauwi ito sa barilan.
Sabi ni Marvin Mendoza, District Officer ng PDEA-NCR, pagpasok nila sa bahay, bigla raw silang pinaputukan, kaya napilitan silang gumanti ng putok. Isa sa mga suspek ang nasawi.
Tatlo pa sa grupo ng suspek ang naaresto habang ang mga sugatang PDEA agents ay agad dinala sa ospital.
Tinatayang 4 kilo ng shabu ang nakuha sa operasyon. Plano pa ng PDEA na magsagawa ng follow-up operation para sa iba pang sangkot.