
Isang 5.0 magnitude na lindol ang tumama sa hilagang-silangang bahagi ng Taiwan nitong Miyerkules, ayon sa US Geological Survey. Naramdaman ang pagyanig sa kabisera na Taipei.
Ayon sa USGS, naganap ang lindol sa lalim na halos 70 kilometro sa Yilan County, malapit sa Taipei.
Wala namang naiulat na nasaktan o nasirang ari-arian, ayon sa Yilan Fire Bureau. Hindi rin naapektuhan ang mga tren at high-speed rail, maliban sa pansamantalang pagbabagal ng biyahe ng Taipei Metro.
Madalas maranasan ang mga lindol sa Taiwan dahil sa kinalalagyan nito sa Pacific Ring of Fire—isa sa pinaka-aktibong seismic zone sa buong mundo.
Matatandaang noong Abril 2024, isang 7.4 magnitude na lindol ang tumama sa isla na ikinasawi ng 17 katao at nagdulot ng malaking pinsala.
Salamat sa mas pinaigting na early warning system at mas matibay na building codes, mas handa na ngayon ang Taiwan sa mga ganitong sakuna.