Limang tao ang nahuli sa buy-bust operation ng Parañaque City Police noong Linggo, Abril 6, bago mag-alas 10 ng gabi sa M. Rodriguez Street, Barangay La Huerta. Kabilang sa mga naaresto ang isang 54-anyos na lalaki, isang 28-anyos na babae, isang 43-anyos na lalaking construction worker, isang 40-anyos na babaeng nagbebenta ng isda, at isang 51-anyos na babaeng tindera.
Ayon kay Police Captain Luis Gazzingan, Chief ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), ang impormasyon tungkol sa illegal na pagbebenta ng droga ng 54-anyos na suspek ay nanggaling sa isang confidential informant. Sinabi ni Gazzingan na hindi nila inaasahan na ganoon kalaki ang naitago nitong droga.
Nakumpiska sa mga suspek ang pitong sachets ng hinihinalang shabu na may timbang na 70 gramo, na may street value na P476,320. Kasama rin sa mga nakumpiskang gamit ang mga drug paraphernalia.
Ayon kay Gazzingan, bagong na-identify ang 54-anyos na suspek bilang isang "high value individual." Hindi ito kasama sa listahan ng mga kilalang drug suspects ng pulisya, ngunit nagsimula na raw itong magbenta sa lugar ng Barangay La Huerta.
Pinaalalahanan naman ng PNP ang publiko na agad mag-report sa mga awtoridad kung may mga nakakakita o may alam na nagbebenta ng ipinagbabawal na gamot. Ayon kay Gazzingan, ang mga suspek ay kumikita mula sa droga dahil sa hirap ng buhay.