
Isang ice plant sa Tondo, Maynila ang sinalakay ng NBI-Criminal Investigation Division (NBI-CRID) matapos matuklasang nagtatago ito ng expired na karne. Nadiskubre ng mga operatiba ang maraming sako ng frozen meat na may Chinese characters ang label.
Ayon kay Noel Bocaling ng NBI, tube ice lang ang ibinibenta sa labas, pero sa loob pala, may tinatagong mga karne mula sa ibang bansa, karamihan ay galing China. Nilalagay ito sa puting sako para hindi halatang karne ang laman.
Tinatayang nasa P15 milyon ang halaga ng mga karne na ibinebenta raw sa malalaking restaurant. Ayon pa sa NBI, matagal nang expired ang permit ng planta—mula pa noong 2018.
Nagbabala rin ang mga awtoridad na delikado itong kainin. Baka raw hindi na napapansin ang pagka-expire dahil natatabunan ng seasoning, pero 2-3 taon na itong nakaimbak.
Nahuli ang ilang Pinoy workers at isang Chinese national na sinabing manager ng kumpanya. Wala silang binigay na statement. Ayon kay Bocaling, dapat mapili sa kainan at siguraduhing may NMIS certificate ang pagkain.