
Maglulunsad ng flights ang Philippine Airlines (PAL) mula Manila patungong Da Nang, Vietnam simula Hulyo, na may tatlong flights kada linggo.
Ayon sa PAL, ang Manila-Da Nang route ay bahagi ng kanilang pagpapalawak ng serbisyo sa Vietnam ngayong taon, kasunod ng pagpapadagdag ng mga flights mula Manila patungong Hanoi at bagong flights mula Cebu papuntang Ho Chi Minh City na magsisimula sa Mayo 2.
“Ang PAL ay committed sa pagpapalakas ng koneksyon at pagtulong sa turismo at negosyo sa pagitan ng Manila at central Vietnam. Inaasahan naming makasama ang maraming turista at business travelers sa aming flights papuntang Da Nang,” sabi ni PAL President at Chief Operating Officer Capt. Stanley Ng.
Ang Da Nang ay kilala sa magandang beach, kasaysayan, at mga modernong atraksyon. Malapit ito sa mga sikat na lugar tulad ng Marble Mountains at Golden Bridge, at maginhawa ring daan patungo sa mga UNESCO World Heritage sites tulad ng Old Town ng Hoi An, My Son ruins, at ang Imperial City ng Hue.
Ang Philippine Airlines ay mag-ooperate mula NAIA tuwing Martes, Huwebes, at Sabado, gamit ang Airbus A321 na kayang magsakay ng hanggang 199 pasahero.