Isang guro ang nagbahagi kung paano siya nakaligtas matapos mailibing ng buhay sa loob ng limang araw sa ilalim ng mga guho ng isang hotel sa Myanmar. Ang 47-anyos na si Tin Maung Htwe, isang headmaster ng isang paaralan, ay nasa isang training course sa Sagaing, ang pinakamalapit na lugar sa epicenter ng 7.7-magnitude earthquake.
Habang ang buong hotel ay gumuho at natabunan siya ng mga debris, naalala ni Tin Maung Htwe ang isang aral mula sa kanyang eskwela na nagsasabi na magtago sa ilalim ng kama kapag nagsimula ang lindol. "Pagpasok ko sa ilalim ng kama, gumuho ang buong hotel at nablok ang aking daan. Ang tanging nasabi ko lang ay 'Save me,'" aniya.
Ang Swal Taw Nann guesthouse na tinutuluyan ni Tin Maung Htwe ay naging mga pira-pirasong bato at metal. Ang kanyang kwarto ay nabaon sa mga guho ng top floor ng building. "Pakiramdam ko ay parang nasa impiyerno ako," sabi niya nang mahina, na may oxygen tube sa ilong at mga intravenous drips sa katawan.
Habang nawawala ang pag-asa sa marami, nakaligtas si Tin Maung Htwe at nakatanggap ng tulong mula sa isang rescue team mula sa Malaysia. Nasa tabi ng guho ang kanyang kapatid, si Nan Yone, na hindi makapaniwala nang makita siyang buháy. "Hindi ko kayang ipaliwanag," sabi niya, "Sumasayaw ako, umiiyak, at tinatapik ang dibdib ko sa saya."