Noong Biyernes ng gabi, April 4, 2025, naaresto ang isang 22-anyos na lalaki sa isang buy-bust operation ng PNP sa Batasan Hills, Quezon City. Aabot sa higit P400,000 na halaga ng shabu ang nakumpiska mula sa suspek. Nahuli siya sa isang eskenita matapos magbenta ng P12,000 na halaga ng shabu sa isang poseur buyer.
Narekober mula sa suspek ang 60 gramo ng shabu, isang baril na may mga bala, cellphone, buy-bust money, at iba pang gamit. Ayon sa PNP, ang mga karaniwang parokyano ng suspek ay mga drayber at mga residente mula sa Batasan Hills, Commonwealth, at mga kalapit na barangay.
Sinabi ni Police Captain Glenn Gonzales, ang Deputy Station Commander ng Batasan Police, na malaki ang transaksyon ng suspek dahil kadalasan ay mababa sa limang gramo ang ibinebenta niya sa mga parokyano. Base sa kanilang imbestigasyon, ang suspek ay isang lider ng grupo na sangkot sa pagbebenta ng iligal na droga sa Batasan Hills at Commonwealth.
Ayon pa kay Gonzales, nakulong na rin ang suspek noong 2021 at 2023 dahil sa mga kaso ng panghoholdap at pagkakasangkot sa iligal na droga. Bagamat aminado siya sa paggamit ng droga, itinanggi niyang siya ang lider ng grupo. "Sa barkada lang po, wala po akong trabaho ngayon," sabi ng suspek.
Ngayon, hawak na ng Batasan Police Station ang suspek, at haharap siya sa mga kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, at Omnibus Election Code.