Patay ang isang lalaki habang nasugatan ang kanyang kaibigan matapos silang kuyugin ng pitong magkakaanak sa isang rambulan sa Barangay Maysilo, Malabon City nitong Biyernes ng madaling-araw. Ayon sa CCTV, makikitang pumasok ang limang magkakaibigan sa compound ng mga suspek, pero ilang sandali lang ay binato na sila ng bote at pinagtulungan bugbugin at paluin ng tubo.
Habang nakaligtas ang apat, naiwan at naabutan naman si Cristan Dizon Sevilla, 22 anyos, na inipit sa may gate at doon na raw pinagpapalo ng mga suspek. Ayon kay PCapt. Roger Perez ng Malabon Police, basag ang ulo ni Sevilla at meron din itong saksak sa katawan.
Lumabas sa imbestigasyon na ang gulo ay nagsimula sa biruan ng dalawang grupo. Pinag-ayos pa raw sila sa barangay ilang oras bago mangyari ang insidente. Pero ayon sa kapatid ng biktima, pinaniwala lang sila na makikipag-ayos ang kabilang panig, pero inambush pala sila pagpasok sa compound.
Dahil sa ingay, agad pumunta ang kuya ng biktima at doon nakita ang duguang katawan ni Cristan. Ayon sa pamilya, itutuloy nila ang pagsasampa ng kasong murder laban sa mga sangkot. “Siya po ang nagbibigay saya sa bahay… sobrang sakit po,” sabi ng kapatid.