Isang babae sa Zamboanga del Norte ang inirereklamo matapos niyang pagtapon ng mainit na tubig sa mga aso ng kaniyang kapitbahay. Ayon sa CCTV footage, makikita ang babae na nagbuhos ng mainit na tubig sa kulungan ng mga aso, at pagkatapos ay mabilis na umalis na parang walang nangyari.
Pagkatapos ng insidente, narinig ang mga aso na umiiyak at makikita pang may usok na lumalabas mula sa kulungan, na kuha ng CCTV. Napag-alaman na dalawang aso at isang tuta ang nagtamo ng mga paso sa katawan dahil sa ginawa ng babae.
Sinabi ng mga kaanak ng may-ari ng mga aso na naiinis ang babae sa ingay ng mga hayop kaya nagdesisyon itong magtapon ng mainit na tubig. Ayon naman sa Animal Health and Welfare Division ng Department of Agriculture, ang ginawa ng babae ay isang paglabag sa Animal Welfare Act.
Kung mapapatunayan, maaring makulong ang babae at magmulta dahil sa cruelty na ginawa sa mga hayop.