May viral na video sa social media na nagpapakita ng mga lalaki na pinagtripan ang isang senior citizen na may kapansanan sa Barangay Dela Paz, Antipolo noong Lunes, March 31, 2025. Sa video, makikita ang isang lalaki na nilapitan ang lola, hinawakan ang magkabilang braso, at iniangat-ibaba gamit ang tuhod. Habang ito’y nangyayari, maririnig ang tawanan ng iba pang lalaki sa paligid.
Ayon kay Barangay Chairman Jeff Fernan, magka-kaanak ang mga tao sa video, at sinabi niyang may mental disorder ang lola mula pa noong siya’y bata. Sanay na ang mga lalaki na maglaro kasama ang kanilang lola, ngunit sumobra na umano ang ginawa nilang biro. Sabi pa ni Fernan, hindi na ito biro dahil nagdulot na ito ng sakit sa matanda, na hindi rin makapagsalita ng maayos at hindi nauunawaan ang nangyayari.
Ipinahayag ng pamangkin ng lola ang galit sa ginawa sa kanyang tiyahin, na nag-alaga sa kanya noong bata siya. Ayon sa pamangkin, masakit ang makita na ang lola na may kapansanan ay tinatrato ng ganito, at hindi biro ang nangyari.
Pagkalipas ng isang oras mula nang ma-post ang video, agad tinawag sa barangay ang apat na lalaki na nasa video. Inexplica ni Fernan sa kanila na may karampatang kaparusahan ang ginawa nilang aksyon. Pinatawan ng multa at posibleng pagkakakulong ang mga lalaki ayon sa Republic Act 9442, ang Magna Carta for Persons with Disabilities.
Habang humingi na ng tawad ang mga lalaki, nanindigan ang nagreklamong kaanak na ipagpatuloy ang reklamo upang mapanagot ang mga ito, kaya binigyan siya ng barangay ng certificate to file action upang makapagsampa ng pormal na kaso sa PNP.