Hindi nabenta ang original model ni E.T., ang alien mula sa pelikulang E.T. the Extra-Terrestrial ni Steven Spielberg, sa isang auction sa Sotheby's New York, ayon sa report ng Agence France-Presse.
Ang modelong ito ay gawa ng Italian special effects artist na si Carlo Rambaldi, at inasahan na maibebenta sa halagang $600,000 hanggang $900,000 (mga ₱34.2M–₱51.3M). Si Rambaldi ay isang Oscar-winning artist at pumanaw noong 2012 sa edad na 86.
Sabi ni Cassandra Hatton, vice chair ng Sotheby’s, “Kahit walang nakabili sa auction ngayon, malaking bahagi pa rin ito ng film history.” Isa raw ito sa tatlong models na ginamit sa pelikula noong 1982.
Ayon kay Hatton, ang model ay symbol ng panahon bago nauso ang CGI, kaya sobrang special at nostalgic ito para sa mga fans ng classic Hollywood.
Kahit hindi nabenta ang E.T. model, may E.T. sketch ni Rambaldi na naibenta ng higit $53,000 (₱3M). Noong 2022 naman, isang metal E.T. robot na ginamit din sa pelikula ang nabenta sa auction ng $2.56 million.