Inanunsyo ng China nitong Huwebes na kanilang winakasan ang isang intelligence network na may koneksyon sa Philippine espionage agency at inaresto ang tatlong Pilipino dahil sa espiya. Nangyari ito habang umiigting ang tensyon sa pagitan ng dalawang bansa kaugnay ng sigalot sa South China Sea at ugnayan ng Pilipinas sa Estados Unidos.
Ayon sa Chinese state media, isa sa mga naaresto ay isang Pilipinong matagal nang naninirahan at nagtatrabaho sa China. Sinabi ng mga awtoridad na nahuli siyang nagkukuhanan ng sensitibong impormasyon at palihim na nagsusuri malapit sa mga pasilidad ng militar. Iniulat din na may CCTV footage ng kanyang pag-aresto at isang nakarekord na kumpisal.
Ayon sa China report, ang tatlong Pilipinong inaaresto ay sina David Servanez, Albert Endencia, at Nathalie Plizardo. Sila umano ay recruited ng Manila simula pa noong 2021 para magsagawa ng mga lihim na intelligence tasks sa China. Ayon sa Chinese national security officers, mula pa noong 2021, ang mga ito ay regular na binabayaran para sa kanilang gawain. Sila umano ay tumulong sa Philippine intelligence agency sa pagre-recruit ng espiya at pagpapalawak ng network sa loob ng China. Inakusahan din silang nagbigay ng malaking halaga ng military-related videos sa mga ahenteng Pilipino.
Kasunod nito, mas lumalawak ang mga kaso ng pangingispiya. Mas maaga ngayong taon, inaressto rin ng Philippine authorities ang hindi bababa sa pitong Chinese nationals dahil sa espionage. Samantala, naglabas naman ng travel warning ang China sa kanilang mga mamamayan sa Pilipinas, dahil umano sa “pananakit” ng mga lokal na awtoridad.
Dahil sa mga bagong aresto, inaasahang lalo pang titindi ang tensyon sa pagitan ng China at Pilipinas. Ayon sa mga eksperto, maaaring makaapekto ito sa relasyong diplomatiko at sa patuloy na sigalot sa South China Sea. Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag ang gobyerno ng Pilipinas tungkol sa insidente.