Ayon sa ulat ng USA Today, isang babaeng hindi nagpakilala ang nagsampa ng kaso laban kay Sean "Diddy" Combs, na inakusahan niyang nang-abuso sa kanya noong 1995 sa isang party. Noong Oktubre 2024, nagsampa siya ng demanda gamit ang pangalang Jane Doe, ngunit hindi ito itinuloy ng korte.
Hiniling ni US District Judge Lewis Liman na isampa muli ng babae ang kaso gamit ang kanyang tunay na pangalan, dahil hindi maaaring magpatuloy ang kaso sa ilalim ng isang anonymous identity. Hanggang Marso 31, 2025, wala pa rin siyang pormal na reklamo gamit ang kanyang pangalan, kaya ipinasara ang kaso at lahat ng kaugnay na mosyon.
Ayon sa kanyang abogado na si Tony Buzbee, naiintindihan nila kung bakit hindi na itinuloy ng babae ang kaso. Aniya, mahirap ang ganitong mga kaso dahil maaaring muling ma-trauma ang biktima at takot din siyang maharap sa atensyon ng media at posibleng panganib.
Samantala, ikinatuwa ng kampo ni Combs ang dismissal, at sinabing hindi ito ang huling beses na may matatanggal na kaso laban sa kanya. Ayon sa kanila, marami sa mga kasong isinampa ay mula sa mga anonymous na indibidwal at tinutulak lang daw ng mga abogado na mas interesado sa media coverage kaysa sa tunay na legal na merito.
Sa kabila ng pagka-dismiss ng kasong ito, patuloy pa ring kinakaharap ni Combs ang iba pang kasong kriminal tulad ng sex trafficking at racketeering. Mariin niyang itinanggi ang lahat ng akusasyon, ngunit mula noong 2023, patuloy na nadaragdagan ang mga kaso laban sa kanya.