
Sa Bangkok, Thailand, dalawang rescue dogs ang nagpalit ng papel noong Miyerkules. Matapos ang limang araw ng pag-amoy para sa posibleng buhay sa gumuhong gusali, pansamantala nilang ginampanan ang isang espesyal na misyon—ang pagbibigay ng emosyonal na suporta sa mga pamilyang naghihintay ng balita tungkol sa kanilang nawawalang mahal sa buhay.
Suot ang kanilang orange vests, ang dalawang golden retrievers ay dinala sa isang temporary shelter kung saan nakisalamuha sila sa mga pamilya ng 72 kataong nawawala pa rin. Hinaplos sila ng mga bata, habang ang iba naman ay bumulong sa kanila, na parang ipinapasa ang kanilang pag-asa na sana ay may matagpuang buhay sa ilalim ng guho.
Isa sa mga nakahanap ng kaunting ginhawa ay si Chanpen Keawnoi, na nawawala ang kanyang ina at nakababatang kapatid. Ayon sa kanya, "Hangga’t tumatahol ang aso kapag may narinig na signal, may pag-asa pa na may buhay sa loob." Para sa mga nawalan ng pag-asa, ang simpleng kilos ng aso ay tila nagbigay ng bagong pag-asa.

Habang naghihintay ng bagong rescue instructions, naglaan ng ilang oras ang mga aso para sa kanilang bagong tungkulin. Ayon kay Susan Redmond, isang senior K9 handler, maliban sa pagsagip, ang mga aso ay nagbibigay din ng emotional support. Aniya, "May kakaibang kakayahan ang mga aso. Ang simpleng paghaplos sa kanila ay nagbibigay ng ginhawa sa mga tao."
Ang 30-palapag na gusali, na nasa ilalim pa ng construction, ay ang tanging istrukturang tuluyang nag-collapse sa magnitude 7.7 na lindol sa Myanmar. Napag-alaman na may mga aberya sa construction at substandard ang ginamit na bakal. Dahil dito, iniutos ng gobyerno ng Thailand ang agarang safety inspections sa 11,000 pribadong gusali upang maiwasan ang ganitong trahedya sa hinaharap.