Isang 11-anyos na bata ang dinala sa mental hospital, pinigilan, at binigyan ng gamot na pang-psychiatric matapos siyang mapagkamalan ng mga pulis bilang isang nawawalang 20-anyos na babae sa New Zealand.
Ayon sa imbestigasyon, nakita ng pulis ang bata sa isang tulay sa Hamilton at inakala nilang siya ang nawawalang babae. Dinala siya sa ospital at agad inilagay sa psychiatric ward, kahit may isang nurse na nagsabing mukha siyang bata at hindi matanda.
Dahil sa kanyang kapansanan sa pagsasalita, hindi niya naipaliwanag ang kanyang sarili. Nang ayaw niyang inumin ang gamot na inalok sa kanya, sapilitan siyang hinawakan at ininject-an ng anti-psychotic medication, isang gamot na bihirang ibigay sa mga bata.
Mahigit 12 oras siyang nanatili sa ospital bago napansin ng mga pulis ang kanilang maling pagkakakilanlan. Agad nilang tinawagan ang pamilya ng bata para sunduin siya.
Humingi ng paumanhin ang mga opisyal ng kalusugan, habang iniimbestigahan na ng Prime Minister Christopher Luxon ang insidente. Sinabi niyang "nakaka-dismaya at nakakabahala" ang nangyari at hindi dapat maulit.