
Isang grupo ang humingi ng paumanhin sa isang maliit na café sa Taytay matapos nilang magbigay ng negatibong reviews nang ipaalala sa kanila ang tagal ng kanilang pananatili.
Ayon sa Purpose Venture Young Professionals, nagkamali sila sa paraan ng pagpapahayag ng kanilang concerns at hindi nila ito dapat ginawa sa pamamagitan ng review-bombing. Bilang isang Christian organization, inamin nila na hindi sumasalamin sa kanilang values ang kanilang ginawa.
Upang ipakita ang kanilang taos-pusong paghingi ng tawad, sinabi ng grupo na inutusan nila ang kanilang mga miyembro na burahin ang mga negative reviews sa Facebook page ng The Fifth Coffee. Dagdag pa rito, naghahanap na rin sila ng sariling venue para sa kanilang mga susunod na meetings.
Nagpahayag din sila ng paghingi ng tawad sa iba pang Christian organizations na maaaring naapektuhan ng insidente. Anila, hindi ito sumasalamin sa buong Kristiyanong komunidad, at dapat ay mas naging maingat sila sa kanilang kilos.
Sa huli, sinabi ng grupo na natuto sila sa kanilang pagkakamali at nangangakong magiging mas responsable sa kanilang mga kilos sa hinaharap. Nangako rin silang ibabalik ang tiwala ng café, ng community, at ng iba pang Christian groups.