Ang Cebuano vlogger na si Boy Tapang, o mas kilala sa tunay na pangalan na si Ronnie Suan, ay naglabas ng public apology sa kanyang Facebook page matapos gumawa ng saranggola gamit ang P1,000 na mga perang papel na nagkakahalaga ng P1 milyon.
Ang vlog ni Boy Tapang, na tinanggal na mula sa kanyang Facebook page, ay nakatanggap ng mga negatibong komento mula sa mga netizens. Ang content ay ipinost niya noong unang linggo ng buwan.
Sa kanyang post noong Abril 13, sinabi ni Suan na dumating ang mga tao mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) para makipag-usap tungkol sa insidente.
Ipinaliwanag ni Boy Tapang na hindi niya intensyong gawing biro ang mga P1,000 na bills dahil pinapahalagahan niya ito, lalo na't mula siya sa isang mahirap na pamilya.
"Nag-post lang ako ng saranggola kasi po entertainment purposes lang," sabi ni Boy Tapang sa kanyang post.
Dagdag pa niya, mas matatanggap sana ito kung plastic lang ang ginamit niyang materyales sa paggawa ng saranggola. "Ngayon gusto ko lang sabihin sa lahat ng mga tao na huwag niyo pong paglalaroan ang pera. Pahalagahan po natin ang pera, i-value natin yung pera, kasi napaka-importante sa buhay natin ang pare," aniya, binigyang-diin ang kahalagahan ng pag-iingat at pagpapahalaga sa pera.
Hinihiling din niya na ang mga nag-repost ng kanyang vlog ay alisin ito. "Humihingi po ako ng sorry sa lahat ng mga viewers ko, sa mga supporters ko, siyempre lalo na sa Bangko Sentral ng Pilipinas. Pasensya na po sa nangyari, maraming salamat po sa pag-intindi, mabuhay po ang Pilipinas," dagdag pa niya.