
Russian vlogger na si Vitaly Zdorovetskiy ay walang kahit anong pagsisisi matapos siyang maaresto dahil sa umano’y pangha-harass ng mga Pilipino sa Bonifacio Global City (BGC), ayon sa Bureau of Immigration (BI).
Ayon kay Dana Sandoval, tagapagsalita ng BI, kitang-kita sa mugshot ni Vitaly ang smug look niya at parang nag-eenjoy pa sa nangyayari. Sa isang video, habang binabasahan siya ng Miranda rights, nagpa-flying kiss pa siya sa camera, na parang nagpapasikat lang.
Itinuturing na siyang "undesirable foreign national" matapos ang kanyang mga gulo sa BGC. Inakusahan siyang nang-harass ng security guards at nagnakaw ng industrial fan mula sa isang restaurant noong March 31.
Bukod dito, inireklamo rin siya sa pagkuha ng motorcycle ng security guard, pagsigaw at pagmumura sa isang senior citizen, at pananagasa sa isang tricycle. Ayon kay Sandoval, hindi ito unang beses na gumawa siya ng ganitong kaguluhan, at may mga kaso na siya sa ibang bansa.
Si Vitaly ay kasalukuyang nasa detention facility ng BI sa Camp Bagong Diwa, Taguig, habang hinihintay ang deportation. Kung magkakaroon siya ng local case, kailangan muna niyang pagdusahan ang sentensiya dito sa Pilipinas bago siya ma-deport.