Isang 47-anyos na babae ang inaresto sa Mactan-Cebu International Airport (MCIA) matapos matagpuan ang 4 na bala sa kanyang bag noong Huwebes. Papunta sana siya sa Tacloban City nang tumunog ang x-ray machine sa boarding gate check, kaya agad na sinuri ng security personnel ang kanyang dilaw na bag. Sa isang asul na pouch, natagpuan ang mga bala.
Ayon kay MCIA Aviation Authority General Manager Julius Neri, walang kaso ng laglag-bala sa airport mula pa noong 2016. Idiniin niyang hindi itinanim ang bala at posibleng dala ito ng pasahero nang hindi sinasadya. Dagdag pa niya, may mga CCTV sa airport para bantayan ang mga tauhan at tiyaking walang ganitong modus.
Sinabi ng Aviation Security Group na walang maipakitang dokumento ang babae na magpapatunay na may pahintulot siyang magdala ng ammunition, kaya siya inaresto. Napag-alaman din na hindi sa kanya ang pouch kundi pag-aari ng kumpanyang pinagtatrabahuhan niya. Giit ng pasahero, hindi niya alam na may bala sa kanyang bag.
Ang babae, isang HR Manager at residente ng Lapu-Lapu City, ay mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at election gun ban. Samantala, itinanggi rin ng Department of Transportation (DOTr) na bumalik na ang tanim-bala sa mga paliparan ng Pilipinas, matapos mahulihan ng bala ang ilang pasahero nitong buwan.