Nahuli sa video ang matinding away ng dalawang tsuper sa C.M. Recto Street, Davao City, malapit sa San Pedro Cathedral, nitong Linggo ng hapon.
Sa video na kuha ng isang residente, makikitang sinasaktan ng isang tsuper ang kapwa niya driver sa gitna ng kalsada, na hindi rin nagpaawat at lumaban.
Nagkagulo sa lugar dahil sa kanilang sagupaan at nahirapan ang mga tao na paghiwalayin sila. Sa huli, naawat din ang dalawa.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya sa Davao City, nagsimula ang away dahil sa agawan ng pasahero, batay sa kwento ng isang sidewalk vendor.
Nagpunta rin sa pulisya ang kapatid ng operator ng isa sa mga jeep para ipa-blotter ang nangyari. Ayon sa kanya, nagtamo ng sugat sa dibdib ang kanilang driver.
Patuloy namang iniimbestigahan ng pulisya ang pagkakakilanlan ng isa pang driver na sangkot sa insidente.