Ang iFi, isang kilalang high-fidelity audio brand, ay naglabas ng kanilang pinaka-impressive na portable DAC at headphone amplifier—ang iDSD Valkyrie. Itinuturing itong flagship device na nagbibigay ng mataas na kalidad ng tunog at disenyo na parang may personal recording studio ka na. Dinisenyo ang device upang tulungan ang mga gumagamit na gumawa ng sariling tunog na akma sa kanilang personal na estilo.
Isa sa mga standout features ng iDSD Valkyrie ay ang paggamit nito ng DSD Remastering algorithm, na itinuturing na katulad ng technology na ginagamit sa mga Sony mastering studios. Ang algorithm na ito ay nagpapataas ng resolution, binabawasan ang distortion, at nagbibigay ng mas rich at detalyadong tunog. Bukod dito, may custom-coded FPGA din itong nagpo-process ng audio in real-time, kaya’t ang tunog ay nananatiling tumpak at malinaw.
Ang Valkyrie ay may 5,700mW peak output, sapat para paandarin ang kahit pinakamabigat na headphones. Para naman sa mas matagal na paggamit, meron itong 20,000mAh battery na nagbibigay ng 18 oras na tuloy-tuloy na playtime. Ang device ay mabilis din mag-charge at fully charged sa loob ng 2.5 oras, kaya’t perfect ito para sa mga on-the-go na gustong maranasan ang top-tier na audio kahit saan.
Hindi rin mawawala ang advanced audio technologies tulad ng K2HD, isang tech mula sa JVCKENWOOD, na nag-a-unlock ng sonic control sa device. Ang K2HD ay tumutulong sa pagbabalik ng nawalang frequencies at depth sa mga audio files, kaya’t hindi nagiging malamig o clinical ang tunog ng digital music. Ayon sa iFi, ang Valkyrie ay designed for those who crave musicality and emotional depth, at ito’y nagdadala ng pro-level audio tools na karaniwang matatagpuan lamang sa mga top mastering houses.