Arestado ang isang mag-live in partner matapos nilang tangayin ang motorsiklo ng isang hotel staff sa Quezon City noong Marso 27, 2025.
Ayon sa Quezon City Police District (QCPD) at District Anti-Carnapping Unit (DACU), kakacheck-in lang ng 41-anyos na lalaki at 52-anyos na babae nang kunin nila ang motorsiklo sa hotel.
Sabi ng biktima, nakita niya mismo ang dalawa na sumakay sa kanyang motor. Kilala niya ang mga suspek dahil madalas silang magpunta sa hotel.
Sinubukan niyang habulin ang mga ito pero hindi niya naabutan.
Sa tulong ng police follow-up operation, natunton ang magkasintahan sa kanilang bahay sa Barangay Payatas noong Marso 29 at na-recover ang motorsiklo.
Nalaman din ng pulisya na dati nang nakulong ang dalawa sa magkahiwalay na kaso gaya ng robbery at paggamit ng ilegal na droga.
Inamin ng lalaking suspek ang ginawa nila, dahil daw sa gipit sila kaya nila ninakaw ang motorsiklo. Plano raw niyang gamitin ito pero hindi ibenta.
Kakasuhan ang magkasintahan sa paglabag sa New Anti-Carnapping Law.