
Matapos ang 30 oras, isang babae ang matagumpay na nasagip mula sa gumuhong Sky Villa Condominium sa Mandalay, ayon sa ulat ng AFP.
Nagpalakpakan ang mga tao habang maingat na inilabas si Phyu Lay Khaing, 30 mula sa guho gamit ang stretcher. Agad siyang niyakap ng kanyang asawang si Ye Aung, na matiyagang naghihintay ng balita.
"Sa simula, inakala kong wala na siya," ani Ye Aung, isang negosyante at ama ng dalawang anak – si William, 8 at si Ethan, 5.
Ayon sa Red Cross, higit 90 katao pa ang maaaring nakakulong sa ilalim ng gumuhong gusali.
Ang lindol na may 7.7 magnitude ay tumama sa Hilagang-Kanluran ng Mandalay noong Biyernes, na sinundan ng 6.7 magnitude na aftershock. Maraming gusali ang nawasak, mga tulay ang bumagsak, at mga daan ang nagkabitak sa buong Myanmar, lalo na sa Mandalay, na may populasyon na mahigit 1.7 milyon.