Ang fast-food chain na Sukiya, ang pinakamalaking beef bowl chain sa Japan, ay pansamantalang magsasara ng halos 2,000 store mula Marso 31 hanggang Abril 4 matapos ang dalawang insidente ng kontaminasyon sa pagkain.
Ayon sa pahayag ng Sukiya, isang daga ang natagpuan sa miso soup na hinain sa isang branch sa Kanlurang Japan noong Enero. Noong Biyernes, isa pang insidente ang nangyari sa isang store sa Tokyo, kung saan may insekto sa isang pagkain.
Dahil dito, nagdesisyon ang Sukiya na isara ang halos lahat ng kanilang branch sa Japan upang magsagawa ng mas mahigpit na paglilinis at pag-iwas sa peste.
Ang Sukiya, na pag-aari ng Zensho Holdings, ay may 1,965 store sa Japan noong 2024, mas marami kaysa sa mga katunggaling Yoshinoya (1,250 store) at Matsuya (1,100 store). Bukod dito, mayroon din itong 650 store sa ibang bansa, kabilang ang China, Southeast Asia, at Latin America.
Sa isang opisyal na pahayag, sinabi ng Sukiya:
"Lubos naming ikinalulungkot ang nangyari. Seryoso naming tinatanggap ang insidenteng ito at humihingi kami ng paumanhin sa aming mga customer."