Dumami ang mga Pilipinong nakaranas ng gutom at walang makain kahit isang beses sa nakalipas na tatlong buwan, ayon sa bagong survey ng Social Weather Stations (SWS) at Stratbase.
Ang survey na isinagawa noong Marso 15-20 ay nagpakita na 27.2% ng mga pamilyang Pilipino o 7.5 milyon na kabahayan ang nakaranas ng involuntary hunger.
Ito ang pinakamataas na naitalang gutom mula noong pandemya ng Setyembre 2020, kung kailan umabot ito sa 30.7%. Mas mataas ito ng 7 puntos mula sa average hunger rate noong 2024 na 20.2%.
Pinakamataas sa Visayas
Ang pagtaas ng hunger rate ay dahil sa pagtaas ng gutom sa Visayas, Luzon (maliban sa Metro Manila), at Mindanao, habang nanatiling pareho ang datos sa Metro Manila.
Visayas – 33.7% (pinakamataas)
Metro Manila – 28.3%
Mindanao – 27.3%
Luzon (maliban sa Metro Manila) – 24%
Sa 27.2% na nakaranas ng gutom, 21% ang may "moderate hunger" (naranasan minsan o ilang beses), habang 6.2% ang may "severe hunger" (madalas o palaging nagugutom).
Sa Visayas, tumaas ang moderate hunger mula 15.3% sa 27.7%, habang bahagyang tumaas ang severe hunger mula 4.7% sa 6%.
Ang survey ay isinagawa sa 1,800 rehistradong botante gamit ang face-to-face interviews at may margin of error na ±2.31% sa buong bansa.