
Hindi binigyan ng parole ang pumatay sa Latin pop star na si Selena Quintanilla-Pérez, ayon sa Texas Board of Pardons and Paroles.
Si Yolanda Saldívar, 64, ang dating presidente ng fan club ni Selena na napatunayang guilty sa pagnanakaw at pagpatay sa kanya noong March 31, 1995.
Matapos ang 30 taon sa kulungan, ngayon lang siya naging eligible para sa parole. Ngunit ayon sa parole board, nananatili siyang banta sa publiko kaya’t hindi siya pinayagang lumaya. Ang susunod niyang tsansa ay sa 2030.
Nagpasalamat naman ang pamilya ni Selena sa naging desisyon:
“Walang makakapagbalik kay Selena, pero ang desisyong ito ay patunay na may hustisya para sa kanyang maikling ngunit napakagandang buhay.”
Sa ngayon, si Saldívar ay patuloy na magsisilbi ng kanyang habambuhay na sentensiya sa Texas.