Patay ang isang 62-anyos na babae matapos pumailalim at masagasaan ng isang truck sa C. Raymundo Avenue, Barangay Maybunga, Pasig City noong Marso 24, 2025, Lunes ng hapon. Ayon sa CCTV footage, tumawid ang biktima habang nakatigil ang mga sasakyan, ngunit biglang nag-go signal at hindi siya napansin ng truck driver.
Agad na rumesponde ang mga pulis at ambulansya, pero nang tingnan ang biktima sa ilalim ng truck, dead on the spot na ito. Ayon sa barangay, hindi residente ng lugar ang biktima at papunta sana sa ospital para magpa-check-up. Base sa kanyang ID, siya ay taga-Cainta.
Bago ang aksidente, nagpa-massage pa ang biktima sa isang spa malapit sa ospital. Ayon kay Noel Nique, empleyado ng spa, mabait at tahimik ang matanda. “Sobrang nagulat kami nang mabalitaan ang nangyari. Paalis na siya tapos maya-maya may sumigaw sa labas, ‘may nasagasaan!’ Nang makita namin, siya pala ‘yun,” aniya.
Nakakulong na sa Pasig City Police Station ang 41-anyos na truck driver. Sinubukan niyang makipag-areglo sa pamilya ng biktima, pero tumanggi ang mga ito at itinuloy ang kaso.