
Pitong tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa NAIA Terminals 1 at 3 ang tinanggal sa puwesto matapos madawit sa umano’y illegal na pagpapalabas ng mga Pilipinong biktima ng human trafficking sa Myanmar.
Ayon sa BI, kung mapatunayang may kinalaman sila sa insidente, kakasuhan sila sa Department of Justice (DOJ).
Ang mga biktima ay na-rescue mula sa scam syndicates sa Myanmar at dumating sa Pilipinas noong Marso 25 sakay ng Philippine Airlines mula Bangkok, Thailand.
Aminado si BI Commissioner Joel Anthony Viado na hamon sa immigration officers ang matukoy ang trafficking victims, lalo na ang mga mukhang legit na turista. Aniya, nag-aadjust ang sindikato sa pamamagitan ng pagre-recruit ng may malinis na travel record.
Noong 2024, 1,093 trafficking victims ang naharang ng BI at itinurn-over sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT).
Nagbabala rin si Viado na may mga backdoor routes na ginagamit ang traffickers para makaiwas sa mas mahigpit na border security.
Samantala, nauna nang naiulat ang pag-uwi ng tatlong trafficking victims mula Cambodia matapos silang piliting magtrabaho sa scam hubs. Lumabas sa imbestigasyon na wala silang official departure record dahil sa smuggling via Jolo, Sulu–Sabah, Malaysia route.