
TOKYO – Isang Japanese na maling nahatulan ng murder at naging pinakamahabang death row inmate sa mundo ang binayaran ng $1.4 milyon (humigit-kumulang 80.2 milyong piso), ayon sa opisyal nitong Martes.
Si Iwao Hakamada, dating propesyonal na boxer, ay nakulong ng 46 taon matapos mapagbintangan sa pagpatay ng isang executive, asawa nito, at dalawang anak noong 1966. Sinentensyahan siya ng kamatayan, pero na-acquit noong 2024 matapos mapatunayang may dayaan sa ebidensya.
Noong 2014, napalaya siya matapos bigyan ng retrial. Ayon sa korte, may dahilan para maniwala na pulis mismo ang nameke ng ebidensya.
Naging malaking bahagi ng kaso ang dugong ebidensya sa damit na natagpuan sa loob ng isang tangke ng miso (fermented soybean paste) isang taon matapos ang krimen. Depensa ng kanyang mga abogado, imposible ang ebidensya dahil masyadong matingkad ang kulay ng dugo, pero sinabi ng prosecutors na totoo ito base sa kanilang eksperimento.
Binayaran siya ng 217.3 milyon yen, katumbas ng 12,500 yen ($83) bawat araw ng kanyang pagkakakulong. Ito ang pinakamalaking bayad-pinsala na naitala sa ganitong kaso.
Pero ayon sa kanyang legal team, hindi sapat ang halaga para tumbasan ang hirap at sakit na dinanas niya. 46 taon sa kulungan na may banta ng kamatayan kada araw ang labis na nakaapekto sa mental health ni Hakamada.