Magandang balita para sa mga foreign tourists na bumibisita sa Pilipinas. Simula ngayon, maaari nang mag-refund ng value-added tax (VAT) para sa mga biniling produkto sa bansa.
Sa isang pahayag, sinabi ng Department of Finance (DOF) na ang mga non-resident tourists o foreign passport holders ay maaaring mag-apply ng VAT refund para sa locally-purchased goods mula sa accredited stores, basta't ang halaga ay hindi bababa sa P3,000.
Mga Sakop na Produkto
Ayon sa DOF, kabilang sa mga produktong sakop ng VAT refund ang retail at tangible goods tulad ng:
Clothing at apparel
Electronics at gadgets
Jewelry at accessories
Souvenirs at food items
Personal-use items
Upang maging kwalipikado sa refund, kailangang dalhin palabas ng bansa ang biniling produkto bilang accompanied baggage sa loob ng 60 araw mula sa petsa ng pagbili.
Mas Pinadaling Refund Process
Ayon sa DOF, kukuha ang gobyerno ng isang reputable at internationally recognized VAT refund operator upang tumulong sa pagproseso ng mga refund. Maaari itong gawin electronic o cash refund para mas mapadali ang transaksyon.
Malaking Epekto sa Ekonomiya
Inaasahan ni Finance Secretary Ralph Recto na magdadala ng malaking benepisyo sa ekonomiya ang bagong batas na ito.
"Sa multiplier effect na 1.97, ang bawat P100 na ginagastos ng isang turista ay nagkakaroon ng economic output na P197. Halos doble ang balik sa ekonomiya," ani Recto sa paglagda ng implementing rules and regulations ng batas.
"Mas maraming ginagastos na pera ng mga foreign tourists ay nangangahulugan ng mas maraming negosyo, mas maraming trabahong nalilikha, mas mataas na kita para sa ating mga kababayan, at mas malaking revenue para sa gobyerno," dagdag niya.