
San Ildefonso, Bulacan – Nakaburol na sa kanilang bahay ang isa sa mga lalaking biktima ng ambush sa Brgy. Capihan, San Rafael, Bulacan noong Biyernes.
Kinilala ng pamilya ang biktima na si Bryan Villaflor, 33 anyos, staff ni Bulacan 3rd District Representative Lorna Silverio at ng kanyang anak na si Vic Silverio, na tatakbong kongresista sa darating na eleksyon.
Tumangging magbigay ng pahayag ang pamilya ni Villaflor, pero ilang lokal na opisyal ang bumisita na sa burol niya.
Sa panayam kay Rep. Lorna Silverio, kinumpirma niyang consultant nila si Villaflor at nagpaabot ng pakikiramay sa pamilya nito. Umapela rin sila sa PNP na agarang imbestigahan at hanapin ang may kagagawan ng pamamaril.
Motibo ng Krimen, Hindi Pa Alam
Ayon kay Rep. Silverio, mabuting anak si Villaflor at breadwinner ng kanyang pamilya. Nabanggit din umano nito na may napapansin siyang kahina-hinalang mga tao sa paligid ng kanilang bahay bago ang insidente.
Base sa paunang imbestigasyon ng pulisya, sakay si Villaflor ng isang itim na SUV kasama ang kanyang buntis na nobya at isang security personnel nang habulin at pagbabarilin sila ng isa pang itim na SUV.
Napatay agad sa insidente si Villaflor at ang kanyang security personnel, na ayon sa PNP ay isang Corporal mula sa AFP.
Sinubukan pang dalhin sa ospital ang kanyang nobya pero binawian din ito ng buhay kalaunan.
Ayon kay Rep. Silverio, lalabas lang sana si Villaflor noong Biyernes para bumili ng wheelchair para sa kanyang ama.
25 Basyo ng Bala, 7 Sugatan
Narekober ng SOCO ang higit 25 basyo ng bala sa crime scene. Bukod sa tatlong namatay, may 7 pang sugatan, kabilang ang mga nadamay na motorcycle rider, jeepney passenger, at isang motorista.
Isa sa mga sugatan ay isang 16-anyos na babaeng pasahero ng jeep na tinamaan sa ulo. Kasalukuyan siyang ginagamot sa ospital.
Nagbigay na ng tulong pinansyal ang kampo ni Rep. Silverio sa mga nadamay sa insidente.
Patuloy ang manhunt operation ng PNP upang matukoy at mahuli ang mga responsable sa ambush.