
Hindi bababa sa 70 Palestino ang namatay at dose-dosenang iba pa ang nasugatan sa mga pag-atake ng Israel sa Gaza noong Huwebes, Marso 20, ayon sa isang opisyal ng kalusugan sa Gaza.
Ayon sa mga medik, tinarget ng Israeli airstrikes ang ilang mga bahay sa hilaga at timog na bahagi ng Gaza Strip. Nang hingan ng pahayag, sinabi ng militar ng Israel na kanilang sinisiyasat ang mga ulat.
Muling sinimulan ng Israel ang pagbobomba at operasyon sa lupa mula Martes, Marso 18, matapos nitong itigil ang tigil-putukan sa militanteng grupo na Hamas na nagtagal mula Enero.
Sinabi ng Israel na ang kanilang operasyon ay bahagi ng pagpapalawak sa buffer zone na naghihiwalay sa hilaga at timog ng Gaza, kilala bilang Netzarim Corridor.
Sa unang araw ng pagbabalik ng airstrikes noong Martes, higit 400 Palestino ang namatay, isa sa mga pinakamadugong araw ng digmaan. Sa nakalipas na tatlong araw, hindi bababa sa 510 Palestino ang namatay, kung saan higit sa kalahati ay kababaihan at mga bata, ayon kay Khalil Al-Deqran, tagapagsalita ng Gaza Health Ministry.
Sa mga nasawi, kabilang ang ilang matataas na opisyal ng Hamas, tulad ng pinuno ng gobyerno sa Gaza, hepe ng seguridad, kanyang aide, at pangalawang pinuno ng Hamas-run justice ministry.
Ayon sa Hamas, ang operasyong militar ng Israel at paglusob sa Netzarim Corridor ay isang "bagong at mapanganib na paglabag" sa tigil-putukan. Hinimok nito ang mga tagapamagitan na gawin ang kanilang tungkulin upang mapanatili ang kasunduan.