Plano ng Pilipinas at mga kaalyado nito na palawakin ang Squad sa pamamagitan ng pagdagdag ng India at South Korea upang palakasin ang depensa laban sa China sa Indo-Pacific, ayon kay General Romeo S. Brawner, Armed Forces Chief ng Pilipinas.
Ang Squad ay isang impormal na alyansa ng Australia, Japan, Pilipinas, at Estados Unidos na nagsasagawa ng joint maritime activities sa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas sa South China Sea simula noong nakaraang taon.
Sa Raisina Dialogue security forum sa New Delhi, sinabi ni Brawner na patuloy ang tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China sa pinag-aagawang bahagi ng South China Sea.
China ang nag-aangkin ng halos buong karagatan, kung saan $3 trilyon ang halaga ng dumadaang kalakalan taun-taon. Hindi kinikilala ng Beijing ang 2016 arbitration ruling na nagsasabing walang basehan ang malawak nitong teritoryal na claim.
Ayon kay Brawner, gusto ng Pilipinas na palakasin ang depensa nito sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa Squad sa militar, intelligence sharing, at joint operations.
“Kasama ang Japan at iba pang partners, sinusubukan naming isama ang India at maaaring pati ang South Korea sa Squad,” sabi ni Brawner sa isang panel discussion kasama ang defense leaders mula sa Japan, India, U.S., at Australia.
Wala pang sagot mula sa Indian defense ministry at mga embahada ng South Korea at China tungkol sa usapin.
“May pagkakapareho kami ng India dahil pareho kaming may common enemy. Hindi ako takot sabihin na China ang kalaban namin,” dagdag ni Brawner.
Sinabi rin niya na may partnership na ang Pilipinas at India pagdating sa militar at depensa, at bubuksan niya ang pag-uusap ukol sa pagsali ng India sa Squad sa kanyang meeting kay Indian Chief of Defense Staff General Anil Chauhan.