Isang lalaki ang patay at isa pa ang sugatan matapos ang pamamaril dahil sa away sa trapiko sa Tandang Sora Avenue, Barangay Old Balara, Quezon City, noong Huwebes ng gabi.
Patay ang 42-anyos na driver ng pickup truck, habang nasa kritikal na kondisyon ang kanyang 51-anyos na pasahero.
Ayon sa anak ng nasugatang biktima, pauwi na sila mula Antipolo patungong Marilao, Bulacan, nang mabangga sila ng isang closed van. Nagkaroon ng mainit na pagtatalo sa pagitan ng dalawang driver.
Bumaba ang driver ng van at agad sinuntok ang driver ng pickup. May dala itong baril at walang habas na nagpaputok.
Dead on arrival sa ospital ang biktima.
Agad namang sumuko ang suspek, na isang pulis, sa Quezon City Police District Station 6.
Nakakita ang SOCO ng pitong basyo ng bala sa lugar.
Hiling ng mga kaanak ng biktima na makamit ang hustisya.