Ilang brand, kabilang na ang Prada at Dinto, ay kumalas kay Kim Soo Hyun matapos masangkot sa kontrobersya kaugnay ng kanyang relasyon sa yumaong aktres na si Kim Sae Ron. Inakusahan si Kim na nakipagrelasyon kay Kim Sae Ron noong menor de edad pa ito, ayon sa isang YouTube expose na nagbanggit ng testimonya mula sa mga kamag-anak ng aktres.
Ayon sa Goldmedalist, ahensya ni Kim Soo Hyun, walang katotohanan ang paratang na nagkaroon sila ng relasyon noong menor de edad pa si Kim Sae Ron. Dagdag pa ng ahensya, walang kaugnayan si Kim Soo Hyun sa pagkamatay ng aktres. Natagpuang patay si Kim Sae Ron sa kanyang bahay noong Pebrero matapos ang kanyang pagbagsak sa karera dahil sa isang drunk driving incident noong 2022.
Kinumpirma ng Prada na tinapos na nila ang kontrata kay Kim matapos tanungin ng isang kliyente, habang sinabi ng Dinto na hindi na posible ang pagpapatuloy ng kanilang advertising contract sa aktor. Ayon sa ulat, may utang si Kim Sae Ron na umaabot sa $483,759.50 (PhP27.7 milyon) sa Goldmedalist dahil sa mga pinsala at penalty dulot ng kanyang drunk driving case.