Matagumpay na naibalik ng mga awtoridad ang isang sanggol matapos ibunyag ng isang bata na ibinenta ng kanilang ina ang kanilang bagong silang na kapatid upang makabili ng cellphone.
Ayon kay Catalina Abella, focal person ng Cebu City Social Welfare and Services (CSWS), isang concerned citizen ang nakarinig ng pahayag ng bata at agad itong isinumbong sa mga awtoridad.
"Niingon man tong mga bata nga naa na daw sila’y cellphone kay ang ila kunong manghod gibaligya sa ilang mama," ayon kay Abella.
Noong Marso 7, 2025, isang social media post ang nag-alarma sa mga awtoridad na may batang ibinebenta sa Brgy. Duljo Fatima.
Dahil dito, agad nagsagawa ng imbestigasyon ang CSWS kasama ang Mambaling Police Station 11.
Nang makausap nila ang ina, inamin nito na naibigay na niya ang sanggol sa isang middleman.
"Diha na namo nahibaw-an nga nabaligya na nila unya duna silay recruiter/middleman," ani Abella.
Buti na lang at nakilala ni Abella ang middleman na kapitbahay pala ng ina, kaya agad nilang tinungo ang bahay nito.
Sa una ay itinanggi ng middleman ang paratang, ngunit kalaunan ay inamin ito ng anak ng middleman.
Natuklasang 22 araw pa lamang ang sanggol nang ibenta ito ng ina sa halagang P30,000 habang siya ay nasa ospital pa.
Ang sanggol ay pangwalong anak ng babae, at lumabas sa imbestigasyon na dati na rin niyang ibinenta ang ikapitong anak.
Ayon sa ina, ginawa niya ito dahil sa kahirapan, ngunit natuklasan ng mga awtoridad na gumagamit rin siya ng iligal na droga.
"Abi namo’g ibaligya tungod sa kawad-on, pero mogamit man sad," dagdag ni Abella.
Samantala, ayon sa kapitbahay na si Gretchen Bucol, naghinala na sila noon pa nang umuwi ang ina mula sa panganganak nang wala itong dalang sanggol.