Pinatay si Goldenier Dagal, isang stand-up comedian, matapos makatanggap ng mga banta mula sa mga na-offend sa kanyang dark humor, ayon sa kanyang ina.
Si Dagal, 38-anyos, ay binaril ng tatlong hindi pa nakikilalang salarin sa loob ng isang bar sa Angeles City noong Sabado, batay sa paunang ulat ng pulisya. Agad na tumakas ang mga suspek matapos ang insidente.
"Wala na ang anak ko. Isang bayarang pumatay ang kumuha ng kanyang buhay at siniguradong hindi siya makaliligtas," ayon kay Jocelyn Cruz, ina ni Dagal.
Ayon pa kay Cruz, matagal nang may mga taong nagbabanta sa buhay ni Dagal matapos ma-offend sa kanyang mga biro sa isang stand-up comedy show.
"Palagi ko siyang pinaalalahanan na ang paggawa ng dark humor ay maaaring maka-offend sa iba. Pero ang ilan na nag-aakalang sila ay pinakamalapit sa Diyos ay nagplano at gumawa ng krimeng ito," isinulat ni Cruz sa isang Facebook post.
Dagdag pa niya,
"Duwag sila na hindi kayang ipagtanggol ang kanilang sarili at pananampalataya na tinanong ng aking anak sa pamamagitan ng kanyang dark humor."
Ibinahagi rin ni Cruz na minsang sinabi ni Dagal na gusto niyang lumikha ng isang espasyo kung saan maaaring pag-usapan ng mga tao ang mga sensitibong paksa sa ligtas na kapaligiran.
Inilarawan niya si Dagal bilang isang mabuting anak at mapagmahal na kapatid.
"Maikli man ang kanyang buhay, naging makabuluhan ito dahil siya ay laging handang tumulong. Palagi niyang pinakita ang kanyang pagmamahal sa akin at sa kanyang tatlong kapatid na babae," ani Cruz.