
Humihiling ang mga magulang ng nawawalang estudyante na si Sudiksha Konanki na ideklara na siyang patay matapos ang malawakang paghahanap na hindi nagbigay ng anumang bakas tungkol sa kanyang kinaroroonan.
Si Konanki, isang 20-anyos na estudyante mula sa University of Pittsburgh na taga-Loudoun County, ay nawala habang nasa bakasyon sa Punta Cana noong Marso 6, 2025.
Ayon sa mga awtoridad, huling nakita si Konanki bandang 4:15 a.m. malapit sa pasukan ng isang beach sa resort na kanyang tinutuluyan. May nakita siyang kasama sa CCTV footage, ngunit pagkatapos noon ay nawala na siya.

Nagkaroon ng malawakang operasyon sa himpapawid, lupa, at karagatan na pinangunahan ng Dominican Republic National Police kasama ang FBI at iba pang mga ahensya.
Noong Martes, Marso 18, kinumpirma ng Loudoun County Sheriff's Office (LCSO) na humiling na ang pamilya ni Konanki sa mga opisyal ng Dominican Republic na ideklara siyang patay, naniniwalang siya ay nalunod.
Sinabi ni Sheriff Michael Chapman na:
"Ang pagkawala ni Sudiksha Konanki ay isang trahedya, at hindi namin maisip kung gaano kasakit ito para sa kanyang pamilya."

Bagamat wala pang pinal na desisyon mula sa mga awtoridad sa Dominican Republic, sinabi ng LCSO na susuportahan nila ang desisyon ng pamilya ni Konanki at patuloy na magbibigay ng tulong sa kanila.
"Nagpapasalamat kami sa FBI at sa Dominican National Police para sa kanilang pagsisikap at pakikiisa sa imbestigasyong ito," dagdag ni Chapman.