
Nag-aalok ang Croatia ng 3,500 trabaho sa hotel industry para sa mga Pilipino sa pamamagitan ng isang government-to-government deal sa Pilipinas, ayon kay Usec. Patricia Yvonne “Py” Caunan ng Department of Migrant Workers.
Ang mga trabahong inaalok ay may kasamang housekeeping, front of the house, restaurant, at iba pang posisyon sa tourism industry.
Ang sahod ay mula 800 euros (humigit-kumulang ₱50,000) hanggang 2,500 euros (humigit-kumulang ₱156,000) depende sa posisyon. Libreng tirahan din ang ibibigay sa mga matatanggap sa trabaho.
Ayon kay Caunan, hindi kailangan ng Croatian language basta't magaling sa English, na siyang bentahe ng mga Pilipino.
Ang mga matatanggap na trabahador ay sasailalim sa training pagdating sa Croatia.
“Ang maganda po rito, dahil government to government, walang placement fee para sa ating mga kababayan. Walang agency, direct sa gobyerno. 'Yan ang napili ng ating Croatian partners,” ani Caunan.
Walang age requirement para sa mga aplikante dahil mas pinahahalagahan ng mga taga-Croatia ang karanasan, ngunit titingnan din nila ang physical fitness lalo na para sa mga trabaho sa mga hotel at resorts.
Inaasahang darating sa Croatia ang unang batch ng mga Pilipinong manggagawa sa buwan ng Hunyo, kasabay ng summer season kung kailan dagsa ang mga turista sa bansa.