Arestado ang isang 38-anyos na lalaki na kabilang sa top 6 most wanted ng Antipolo Police dahil sa kasong Carnapping noong Martes, March 18, 2025.
Naaresto siya sa operasyon ng Provincial Highway Patrol Team ng Rizal at Antipolo Police sa isang bahay sa Barangay Nayon.
Ayon sa PNP investigation, lumabas na noong January 2025, ibinenta ng suspek ang isang nakaw na motorsiklo sa kapitbahay niya — na kaibigan pala ng tunay na may-ari ng motor.
"Itong suspek natin may kaibigan na nagbigay ng motor para ibenta. Hindi niya alam na itong motor ay nakaw pala at pag-aari ng kapitbahay nila," paliwanag ni Police Lieutenant Orlando Jalmasco, Public Information Officer ng Antipolo CCPS.
Dahil dito, nang makita ng biktima ang ibinebentang motor, agad siyang humingi ng tulong sa barangay, at nakumpirma nilang iyon nga ang nakaw na motor.
Dati na ring nasangkot sa kaso ng snatching noong 2003 ang suspek.
Aminado naman ang lalaki na ibinenta niya ang motor ngunit iginiit na hindi niya alam na ito ay nakaw.
"Lumapit po sa akin 'yung kaibigan ko kasi kailangan niya ng pera. Ipinabenta po niya sa akin 'yung motor. Hindi ko naman po alam na nakaw pala ito," sabi ng suspek.