"Hustisya para kay Puti" — Ito ang sigaw ng mga taga-suporta matapos maghain ng kaso ang Philippine Animal Welfare Society (PAWS) laban sa isang lalaki na nahuling pumatay ng pusa sa Pasig City noong March 18.
Sa CCTV footage, makikita ang suspek na pinukpok ng metal na bagay ang pusang si Puti, na naging sanhi ng pangingisay nito bago ito namatay.
Nalaman ng may-ari ni Puti na si Celine ang insidente matapos makita ito sa security footage nang mapansin niyang nawawala si Puti.
Tinulungan ng PAWS si Celine sa pag-file ng kaso sa Office of the City Prosecutor, binigyang-diin na ang pagpapahirap sa hayop ay isang krimen.
“Matagal po siyang hinanap ng mga anak niya,” ani ni Celine, na tumutukoy sa tatlong naiwang kuting ni Puti.
Hinihikayat ng PAWS ang publiko na i-report agad ang anumang karahasan sa hayop sa mga pulis o sa kanilang mga volunteer lawyers.
“Ang animal cruelty ay isang krimen. Kung may makita kayong ganito, tawagin agad ang pulis at sigawan ang gumagawa nito para mahinto sila,” ayon sa PAWS.