Isang Korean restaurant sa Quezon City ang nagsabing hindi nila palalampasin ang anumang panloloko na makakasira sa kanilang pangalan matapos mahuling may dalawang customer na naglagay ng ‘wet tissue’ sa kanilang side dish at sinisisi pa ang restaurant.
Nag-post ang Leann’s Tea House ng CCTV footage noong Sabado, March 15, na nagpapakita ng dalawang diners na pinaghihinalaang naglagay ng ‘wet tissue’ sa kanilang radish side dish at sinubukang ibintang ito sa isa sa mga staff.
Sa 0:16-mark ng video, makikita ang isang lalaki na may inilalagay sa ulam.
“Ayun, o,” maririnig sa background habang nirereview ang footage.
“May ginawa siya,” sabi ng isa pa.
“Binalik? Oo,” dagdag pa ng isa pang tao.
“Tapos inangat ng girl,” komento naman ng isa sa mga staff ng resto.
Napansin din sa footage na hinintay pa ng diners na umalis ang staff nilang si Arian bago nila nilagay ang ulam sa kanilang plato.
Kalaunan, kinuha ni Arian ang plato.
“Nahuli po namin sa CCTV ang dalawang indibidwal na naglagay ng wet tissue sa aming radish side dish at pilit na sinisisi ang aming restaurant, na labis naming ikinababahala,” ani ng pamunuan ng restaurant sa kanilang Facebook post.
Dagdag pa nila, tinakot pa umano sila ng mga customer na irereklamo sila sa Department of Health (DOH) kung hindi sila bibigyan ng “solusyon.”
“Nang nakita nilang nire-review na namin ang CCTV footage, agad silang gumawa ng eksena at mabilis na umalis, sabay sabing may pupuntahan sila,” ayon sa restaurant.
“Ang ganitong gawain ay hindi lamang kasinungalingan kundi nakakasama rin sa aming team at sa aming pangako na maghain ng dekalidad, ligtas, at masarap na pagkaing Korean. Hindi namin palalampasin ang anumang panloloko na makasisira sa aming pangalan,” dagdag pa nila.
Hinikayat din ng restaurant ang kanilang mga customer at kapwa negosyante na maging mapanuri at maingat.
“Kung may concerns po kayo, huwag mag-atubiling lumapit sa aming staff—lagi po kaming handang tumulong,” sabi ng Leann’s Tea House.